-- Advertisements --

LAOAG CITY – Ibinasura ng korte ang kasong murder laban kay dating Dingras Mayor Marynette Gamboa dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon kay Atty. Juanito Antonio, isa sa mga abogado ng dating Alkalde, na nagpapatunay ito na inosente ang kanyang kliyente sa mga paratang laban sa kanya.

Wala aniyang matibay na ebidensiya mula sa prosekusyon na magpapatibay sa kasong isinampa laban sa dating Alkalde kaya naabsuwelto ito.

Paliwanag niya, ganap nang nakalaya si Gamboa at nagpapahiwatig na wala siyang kinalaman sa sinasabing mastermind o utak siya sa likod ng pagpatay noong 2009 kay dating Ilocos Norte Electric Cooperative o INEC Board President Lorenzo Rey Ruiz.

Ipinaalam niya na nakapagpiyansa si Gamboa ng P400,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan noong Disyembre 2023 matapos pagbigyan ng korte ang kanilang kahilingan dahil magaan at hindi sapat ang mga ebidensyang ipinakita.

Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Joel Garcia, isa pang abogado ni Gamboa, na dapat maging masaya ang kanyang kliyente sa matagumpay na pagkamit ng hustisya.

Inaresto si Gamboa sa Calamba, Laguna ng mga miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Felix Salvador para sa kasong murder.

Nauna rito, dalawang beses na hindi nakapunta si Gamboa sa promulgation dahil isinugod siya sa isang ospital sa Metro Manila matapos tumaas ang kanyang blood pressure.