Magsasagawa ng konsyerto kontra korapsyon ang Mayors for Good Governance at grupong Kaya Natin! upang ipakita ang pagtutol sa katiwalian.
Alinsunod ang naturang programa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng People Power Revolution kung saan layon buhayin ang diwa ng mapayapang aksyon laban sa korapsyon.
Pati dating bise presidente na ngayo’y alkalde ng Naga City na si Leni Robredo ay hinimok ang publiko na makilahok sa gaganaping People Power 40 Kick-Off Concert.
Kanyang ibinahagi ang online post ng naturang isasagawang aktibidad na may temang “Awit at Aksyon Kontra Korapsyon”.
“Everyone’s invited!! This concert is organized by Kaya Natin and Mayors for Good Governance,” wika ni Leni Robredo sa kanyang post.
Isasagawa ito sa ika-21 ng Pebrero sa Quezon Memorial Circle, na magsisimula ng alas-kwatro ng hapon para sa pre-show habang alas-sais ng gabi nama’y sa main concert.
Ilan sa mga inaasahan magtatanghal sa selebrasyon ay sina Ogie Alcasid, Janno Gibs, Moro Beats, Ebe Dancel at iba pa.
Alinsunod sa mga gawain o demonstrasyon, ang Department of Justice ay kinikilala ang karapatan ng bawat isa sa pagsasagawa ng mga ganitong uri ng gawain.
Paalala na lamang nito sa publiko na gawing mapayapa at isaalang-alang ang kaligtasan ng bawat isa.
“As people exercise their constitutional right to peaceful assembly, we remind everyone to remain peaceful, follow lawful orders, and prioritize their safety and the safety of others,” ani Atty. Polo Martinez (Spokesperson, DOJ).
















