Iginiit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mamamayan upang maging epektibo ang pagpatupad ng Anti-Epal Policy.
Sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kay Johnjoan Mende, Bohol Provincial Director ng DILG, sinabi niya na bago pa ang polisiya kaya nananatiling hindi pa makikita pa ang buong epekto nito.
Ayon kay Mende, kinakailangang maging mapagmatyag ang publiko at gamitin ang tamang mekanismo ng pagrereklamo, kabilang ang paglapit sa Ombudsman o sa mas mataas na Sanggunian kung may paglabag.
Binigyang-diin pa niya na ito’y upang matiyak na ang pondo ng bayan ay magagamit para sa serbisyo publiko at hindi para sa personal na interes o promosyon sa politika.
Sa Bohol, iniulat nito na tinanggap at nagpakita ng suportang tumalima sa nasabing patakaran ang mga opisyal mula sa gobernador hanggang sa 48 alkalde ng lalawigan.
Samantala, ayon naman kay Engr. Eustaquio Caliao ng Provincial General Services Office, sumusunod ang pamahalaang panlalawigan sa pamantayan ng COA at inaalis na ang mga lumang marker, slogan at larawan ng mga opisyal sa mga proyekto at sasakyan ng gobyerno na maaaring lumabag sa polisiya.
Hinimok din nito ang mga komunidad na makiisa sa pagmomonitor at mag-ulat ng anumang paglabag.















