-- Advertisements --

Posibleng inunahan na ni Vice President Sara Duterte ang mga impeachment complaint laban sa kanya sa pamamagitan ng maagang pag-anunsyo ng kanyang pagtakbo sa 2028 presidential elections.

Ito ang pananaw ni dating Budget secretary Butch Abad, na nagsabing maaaring estratehiya ang timing ng deklarasyon upang maimpluwensyahan ang pananaw ng publiko bago pa man umusad ang mga pagdinig sa Kamara.

Ayon kay Abad, maaaring nakita ng kampo ng bise presidente na mabigat ang nilalaman ng mga reklamong inihain kaya kinakailangang maagap itong tugunan sa larangan ng public perception.

Dagdag pa niya, maaaring gamitin ni Duterte ang kanyang presidential bid upang maipinta ang mga reklamo bilang politically motivated o “harassment” ng mga kalaban, lalo’t patuloy umano siyang nangunguna sa ilang pag-aaral.

Sa kasalukuyan, apat na impeachment complaint na ang kinahaharap ni Duterte sa House of Representatives of the Philippines, ang unang tatlo ay inihain ng mga miyembro ng minority bloc, habang ang ikaapat ay sinuportahan ng ilang mambabatas mula sa majority. (report by Bombo Jai)