Hinamon ng Malacañang ang mga Senador na nag-aakusa na nakialam si President Ferdinand Marcos Jr sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na maglabas ng ebidensya para patunayan ang kanilang mga pahayag.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, hindi dapat sagutin ng Palasyo ang mga alegasyong nakabatay lamang umano sa haka-haka o intriga.
Giit niya, dapat munang patunayan ng mga nag-aakusa kung may naging pakikialam ang pangulo o ang administrasyon sa magiging desisyon ng Senado.
Samantala, hindi nagbigay ng pahayag ang Malacañang tungkol sa naging ruling ng senate impeachment court noong Setyembre 23 na nagbago sa dating 16-vote requirement para sa conviction.
Kaugnay nito, kinuwestiyon na sa Supreme Court ang naturang ruling sa pamamagitan ng petition for certiorari and prohibition na inihain noong Setyembre 24.
Sinabi ni Castro na hindi partido ang executive branch sa naturang kaso at igagalang ng Malacañang ang anumang magiging desisyon ng Supreme Court.
Aniya, ang ruling ng high court ay magiging bahagi ng jurisprudence at dapat sundin, maliban kung sa hinaharap ay mapalitan o ma-abandon ang naturang legal doctrine.
















