-- Advertisements --

Arestado ang dalawang high-value target suspects matapos masabat ang mahigit ₱1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Santa Ana, Taguig City.

Pinangunahan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District ang operasyon katuwang ang District Intelligence Division at Sub-Station 4 ng Taguig City Police Station.

Kinilala lamang ang mga naaresto sa alyas na “Miko,” 29-anyos at “Albert,” 49-anyos, na kapwa newly high-value individuals na nag-ooperate umano sa distrito.

Nakumpiska mula kay “Miko” ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money at isang asul na cellphone. Sa follow-up search kay “Albert,” narekober pa ang karagdagang 100 gramo ng hinihinalang shabu.

Sa kabuuan, aabot sa 150 gramo ng ilegal na droga na may standard drug price na ₱1,020,000 ang nasamsam ng mga awtoridad.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay SPD Director BGen. Randy Arceo, magsisilbing babala ang pagkakasabat ng milyong pisong halaga ng droga sa mga nagtatangkang magtatag ng bagong drug network sa kanilang nasasakupan.

Sinabi naman ni Taguig City Police chief Julius Añonuevo na patuloy nilang paiigtingin ang koordinasyon sa SPD at iba pang sub-stations upang matiyak na walang puwang ang ilegal na droga sa lungsod.

Nagpahayag din ng suporta si Mayor Lani Cayetano sa kampanya ng pulisya at iginiit na mananatiling prayoridad ng pamahalaang lungsod ang kaligtasan at pagpapanatili ng isang ligtas at drug-free ng Taguig.

“Ang kaligtasan ng ating mga komunidad ay nananatiling pangunahing prayoridad. Patuloy nating susuportahan ang ating kapulisan at palalakasin ang koordinasyon upang mapanatiling ligtas, maayos, at drug-free ang Taguig,” pahayag ni Mayor Lani Cayetano.