Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na dapat umanong mabigyan ng pagkakataon sina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at Christopher Lawrence “Bong” Go na gamitin ang lahat ng legal na remedyo kaugnay ng mga posible nilang kaso na kinakaharap sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Lacson, dapat igalang ang mga lokal na hukuman at umiiral na proseso sa Pilipinas sa anumang hakbang na maaring isagawa ng ICC, kasunod ng pagtukoy kina Go at Dela Rosa bilang umano’y mga co-perpetrators sa kampanya kontra droga ng dating administrasyon. Aniya, kung may ilalabas na warrant of arrest ang ICC o anumang foreign court, kinakailangan dumaan ito sa mga lokal na hukuman na siyang maglalabas ng kaukulang utos bago ito maipatupad sa bansa.
Dagdag pa ng senador, tatalakayin ng senado ang mga posibleng hakbang, kabilang ang anumang tulong na maaring ibigay sa dalawang senador. maari din umanong magpatawag ng caucus si Senate President Vicente ” Tito” Sotto III upang konsultahin ang mga miyembro ng kapulungan.
Sa kabila nito, sinabi din ni Lacson na masyado pang maaga upang magbigay ng pinal na posisyon dahil hindi pa naglalabas ang ICC ng bill of particulars na magdedetalye ng eksaktong mga kaso at posibleng parusa at pag-aaralan pa umano ng mga abogado ng senado bago magpasya ang kapulungan sa anumang nararapat na hakbang.
















