Isinusulong ni Senator JV Ejercito ang pagdoble sa buwanang social pension ng mga indigent senior citizen mula P1,000 tungong P2,000 upang makatulong sa kanilang mga gastusin sa pagkain, gamot, kalusugan at iba pang pangunahing pangangailangan.
Sa Senate Bill No. 2522, iminungkahi ni Ejercito na amyendahan ang Republic Act No. 11916 na nagtatakda sa kasalukuyang P1,000 buwanang social pension para sa kwalipikadong indigent senior citizens.
Ayon kay Ejercito, hindi na sapat ang kasalukuyang halaga dahil patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain, maintenance medicines, healthcare, utilities at transportasyon.
Sa ilalim ng panukala, palalawakin din ang depinisyon ng indigent senior citizen upang maisama ang mga nakatatandang walang pension o permanenteng pinagkukunan ng kita, gayundin ang mga tumatanggap ng pension, compensation o financial assistance na hindi lalampas sa ₱10,000 kada buwan.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tutukoy kung sino ang kwalipikado sa ilalim ng panukala.
Aalisin din sa kasalukuyang kwalipikasyon ang requirement na ang isang indigent senior citizen ay dapat na “frail, sickly or with disability” upang makatanggap ng social pension.
Iminungkahi rin ni Ejercito na obligahin ang DSWD, sa pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) at pakikipagkonsulta sa mga kaukulang sektor, na repasuhin ang halaga ng social pension kada dalawang taon at magpatupad ng adjustment kung kinakailangan.
















