-- Advertisements --

Umabanse na sa finals ng Philippine Women’s Open ang fan favorite na si Croatian tennis star Donna Vekic.

Isang dominanteng performance ang ipinamalas ni Donna sa kaniyang semifinals match at halos walang kahirap-hirap na idinispatsa ang kalaban na si Tatiana Prozorova, 6-2, 6-3.

Sa ikalawang set ay pinilit pa ng Russian tennis player na bumangon at nagawang maka-score sa unang bahagi ng laban ngunit hindi ito pinalagpas ng Croatian star at tuluyang tinambakan ang kalaban.

Ilang minuto rin na naantala ang laban ng dalawa dahil sa pag-ulan na naranasan ng Maynila at kinailangan munang ipatigil ang match, kasama ang panandaliang pagpapatuyo sa open court.

Sa pansamantalang pagpapatigil sa laban, hawak ni Vekic ang 6-2, 1-1 na bentahe.

Sa pagbabalik ng laro, naka-score pa ang Russian player ngunit muling naging mas dominante ang laro ni Vekic at tuluyang tinapos ang laban.

Sa kasalukuyan ay gumugulong na ang ikalawa at huling semis match ngayong hapon sa pagitan nina Solana Sierra (Argentina) at Camila Osorio (Colombia).

Si Osorio, kung maalala, ay ang tumalo kay Pinay star Alex Eala kagabi (Jan. 29).

Ang mananalo sa pagitan ng dalawa ang uusad sa finals ng Philippine Women’s Open at haharapin ni Vekic.

Magsisimula dakong alas-3 ng hapon ang finals ngunit para sa tennis fans na maagang magtutungo sa lugar, bubuksan na ang Rizal Memorial Tennis Center ganap na ala-una ng hapon.