Ramdam na ramdam na ang hagupit ng Northeast Monsoon o Hanging Amihan matapos maitala sa lungsod ng Baguio ang pinakamababang temperatura sa buong bansa ngayong araw, Enero 30, 2026.
Batay sa huling datos, bumagsak sa 13.2°C ang temperatura sa Baguio City, na siyang nangunguna sa listahan ng sampung pinakamalamig na lugar sa Pilipinas.
Sumunod sa listahan ang Tanay, Rizal na nakapagtala ng 17.5°C, habang ang Basco, Batanes naman ay nasa 18.9°C.
Narito ang iba pang mga lugar na nakaranas ng malamig na panahon ngayong araw:
Mulanay, Quezon: 19.2°C
Panglao, Bohol: 19.2°C
Casiguran, Aurora: 19.6°C
Abucay, Bataan: 19.7°C
Baler, Aurora: 20.0°C
Catbalogan City, Samar: 20.0°C
Juban, Sorsogon: 20.0°C
Ayon sa state weather bureau , ang ganitong nararanasang kalamigan ay direktang epekto ng umiiral na Hanging Amihan na nagdadala ng tuyo at malamig na hangin mula sa Northeast.
Inaasahang magpapatuloy ang ganitong sitwasyon hanggang sa susunod na buwan, kung kailan karaniwang nararanasan ang peak o pinakamatinding lamig ng panahon.
Pinapayuhan naman ang publiko, lalo na ang mga nasa Cordillera Administrative Region (CAR), na magsuot ng makakapal na damit at mag-ingat laban sa mga sakit na may kaugnayan sa malamig na panahon tulad ng ubo, sipon, at trangkaso.
















