Tuluyang nabawasan ang puwersa at kagamitang pandigma ng New People’s Army (NPA) matapos na isuko ng tatlong nagbalik-loob na miyembro ang lokasyon ng kanilang mga high-powered firearms sa magkahiwalay na operasyon sa Camarines Sur.
Ibinunyag nina alyas “Esme”, “Larry”, at “Alen”, na pawang mga miyembro ng KLG2, SRC1, sa ilalim ng Bicol Regional Party Committee (BRPC), ang kinaroroonan ng mga armas matapos ang kanilang boluntaryong pagsuko sa mga otoridad nitong Martes, January 27.
Sa ulat mula sa 9th Infantry Division (9ID) ng Philippine Army, agad na ikinasa ang follow-up operation sa Barangay Salvacion, Ragay, Camarines Sur.
Dito nadiskubre ng pinagsanib na puwersa ng 81st Infantry Battalion (81IB), 42nd Infantry Battalion, at Philippine National Police (PNP) ang apat na M16 bushmaster rifles, kasama ang mga magazinesat mga bala na itinuro ni alyas “Esme”.
Hindi pa natapos dito ang operasyon dahil sa katabing Barangay Baya ay narekober din ang dalawa pang unit ng M16 rifles at iba pang kagamitang pandigma sa tulong naman ng impormasyong ibinigay ni alyas “Larry”.
Ayon sa militar, nagpasya ang mga nasabing rebelde na magbalik-loob sa gobyerno dahil sa kagustuhang magbagong-buhay at makapiling muli ang kanilang mga pamilya.
Sa kasalukuyan, ang 81IB, na nasa ilalim ng operational control ng 902nd Infantry Brigade, ay patuloy na nagsasagawa ng focused military operations sa lalawigan ng Camarines Norte at ilang bahagi ng Camarines Sur upang tuluyang matuldukan ang insurhensiya sa rehiyon.













