Target pprubahan ngayong linggo ng House of Representatives ang panukalang batas na sertipikadong urgent ni Ferdinand Marcos Jr. na magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang pansamantalang bawasan o suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo upang matugunan ang pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ilalim ng House Bill 8418, maaaring ipatupad ng Pangulo ang pagbawas o suspensyon ng buwis sa gasolina at iba pang fuel products kapag may matinding pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado o sa panahon ng pambansang emergency.
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander ‘Sandro’ Marcos, layunin ng panukala na agad makapagbigay ng ginhawa sa publiko bago pa tumaas ang pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang gastusin.
Maaaring ipatupad ang tax relief kung ang average na presyo ng Dubai crude oil ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan, o kapag may deklaradong pambansang emergency na nagdulot ng malaking pagtaas ng presyo ng langis.
Nilinaw sa panukala na ang suspensyon o pagbawas ng buwis ay hanggang anim na buwan lamang at hindi lalampas sa kabuuang isang taon, at maaaring gamitin ng Pangulo ang kapangyarihang ito hanggang Disyembre 31, 2028.
















