Namatay sa “Asphyxia by suffocation” ang 8-anyos na si John Ysmael Mollenido, na natagpuang patay at nakabalot sa plastik sa isang calamansi farm sa Victoria, Tarlac, Huwebes ng hapon, ayon sa Southern Police District (SPD).
Batay sa paunang ulat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), mahigpit na nakatape ang mukha ng bata. Kinilala ang bangkay ng kaniyang ama na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido.
Nadiskubre ang bangkay ni Ysmael ilang araw matapos matagpuan sa Bulacan ang kanyang ina, na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido, 38-anyos, na may tama ng bala sa ulo.
Huling nakitang buhay ang mag-ina noong Enero 16, at iniulat na nawawala si Ysmael noong Enero 19.
Ayon kay Police Lieutenant Margaret Panaga, tagapagsalita ng SPD, may kaugnayan ang mag-ina sa isang ahente sa Quezon City matapos ang pagbebenta ng sasakyan.
Napag-alaman na inaanak ni Diane ang ahente, na kabilang sa mga persons of interest (POI) sa kaso, kabilang si Ysmael.
Noong Miyerkoles, pinuntahan ng mga awtoridad ang bahay ng ahente sa Quezon City sa bisa ng search warrant at may natagpuang bakas ng dugo, na isasailalim sa pagsusuri upang malaman kung dugo ba ng mga biktima.
Ayon kay John, ama ni Ysmael, nauunawaan niya ang pagkakasama nito bilang POI sa kaso ng mag-ina.
Patuloy naman nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga detalye ng pagkamatay ng mag-ina at mapanagot ang mga responsable.
















