-- Advertisements --

Kumpiyansa si Atty. Kristina Conti, assistant to counsel sa International Criminal Court (ICC), na hindi babaligtarin ng ICC Appeals Chamber ang desisyon na itinuturing na fit si dating Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa kanyang Confirmation of Charges hearing na magsisimula sa Pebrero 23, 2026.

Ayon kay Conti, bagama’t mayroong maliliit na isyu, wala na umanong malaking hadlang upang ituloy ang mga pagdinig, lalo na logistics at protocol.

Una nang umapela muli ang kampo ni Duterte ukol sa naging desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I, kung saan iginiit na nagkaroon umano ito ng error of law nang hindi isaalang-alang ang medical report mula sa isang neurologist at neuropsychologist na kanilang isinumite.

Matatandaan na orihinal na itinakda noong Setyembre ng nakaraang taon ang Confirmation of Charges hearing ng dating pangulo ngunit naiba ito dahil sa mga pangamba noon na hindi umano fit si Duterte na humarap sa paglilitis.

Para kay Conti, hindi rin umano makabubuti sa kampo ng mga Duterte ang patuloy na pagpapaliban ng pagdinig, lalo na kung iginiit ang umano’y patuloy na paglala ng kalusugan ng dating pangulo.

Dagdag niya, hindi siya naniniwalang kasing lala ng inilalarawan ng depensa ang kondisyon ni Duterte.

Sa isang redacted na bersyon ng review ng detensyon ni Duterte, sinabi ng Pre-Trial Chamber I na napag-alaman ng mga expert panel na may sapat na cognitive condition si Duterte upang makilahok sa mga pre-trial proceedings.

Binanggit din ng chamber na, bilang bahagi ng pagiging patas, hindi ito aasa sa mga medical report na isinumite ng alinmang partido o sa interpretasyon ng kanilang defense team.