-- Advertisements --

Sinimulan ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa 14 na kaso ng umano’y anomalya sa flood control projects na hinati sa tatlong batch upang masuri nang masinsinan.

Sa unang batch, limang kaso ang kaugnay ng Syms Construction Trading sa Bulacan, kung saan dalawa ay naipasa na sa Ombudsman at isinampa sa Sandiganbayan.

Ang ikalawang batch naman ay may anim na kaso laban sa Wawao Construction at Top Notch Catalyst Builders, kabilang ang tatlong kaso ng malversation na kinasasangkutan ni Sen. Joel Villanueva.

Sa ikatlong batch, tatlong kasong plunder ang iniimbestigahan laban kina dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Sen. Jinggoy Estrada, at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, inaasahang uusad ang preliminary investigation sa plunder case laban kay Estrada sa mga darating na araw.

Nilinaw ng DOJ na walang kasong nakabinbin laban kina Mayor Nancy Binay at Sen. Chiz Escudero, maliban na lang kung may bagong ebidensya na lilitaw.

Patuloy ang koordinasyon ng DOJ sa NBI, Ombudsman, at DPWH upang matiyak ang masusing imbestigasyon sa mga umano’y “ghost projects” na pinondohan ngunit hindi naisakatuparan.