Nanawagan si Palace Press Officer, Undersecretary Claire Castro na igalang at huwag gawing biro ang usapin ng kalusugan ng Pangulo.
Ito ay kaugnay ng pahayag ni Senador Imee Marcos na nagsabing tila “uncared” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Usec. Castro, hindi nararapat na gawing katawa-tawa o palabas ang pagbibigay ng payo hinggil sa kalagayan ng isang taong may pinagdaanang karamdaman.
Aniya, ang kinakailangan ng Pangulo at ng sinumang may karamdaman ay taos-pusong malasakit at tunay na pagkalinga, hindi pagiging “komedyante o payaso” sa harap ng publiko.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi dapat magpakaplastik o gumamit ng isyu ng kalusugan para lamang makakuha ng simpatiya ng nakararami, at hinikayat ang lahat na maging responsable at makatao sa kanilang mga pahayag.
” Huwag natin gawing biro ang kalusugan ng Pangulo. Huwag maging komedyante o payaso sa pagbibigay ng payo. Totoong puso at pagkalinga ang kailangan ng isang tao na may pinagdaanang karamdaman. Huwag magpakaplastik sa mata ng nakararami,” mensahe ni USec. Claire Castro.
















