-- Advertisements --

Nilinaw ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ipinagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga pulis, ang pagtanggap ng dobleng suweldo mula sa dalawang posisyon sa pamahalaan.

Ito ay kaugnay ng isyu sa optional retirement ni dating Philippine National Police (PNP) chief Nicolas Torre III, na kasalukuyang nagsisilbing general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay Remulla, kung tumatanggap pa umano ng suweldo si Torre mula sa PNP habang sumusuweldo sa MMDA, kailangan nitong isauli ang suweldo sa dati niyang posisyon.

Nilinaw naman ni Torre na wala siyang pinirmahang aplikasyon para sa pagreretiro.

Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na nasa Malacañang na ang desisyon at hindi maaaring pilitin ang sinuman na magretiro nang walang pirma sa mga kinakailangang dokumento.

Sinabi rin ng kalihim na naaprubahan na ang retirement benefits ni Torre, na kinabibilangan ng humigit-kumulang ₱7.5 milyong lump sum at halos ₱190,000 buwanang pensyon habang-buhay.

Bagama’t nalinis na si Torre ng National Police Commission (NAPOLCOM), kailangan pa rin umano nito ng clearance mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng mga iniulat na kaso ng harassment.

Samantala, sinabi ng NAPOLCOM na si Torre ay awtomatikong itinuturing na nagbitiw na sa PNP nang tanggapin ang posisyon sa MMDA.