-- Advertisements --

Sinabi ni Vice President Sara Duterte na maghihintay ang publiko sa kanyang pahayag kung sasagutin niya ang dalawang impeachment complaints na inihain laban sa kanya, na inaasahang isusumite sa Lunes, Marso 16.

”Malapit naman ang Monday no? Hintayin natin kung magfa-file ako o hindi. Hintay na lang sila na mga taga-House of Representatives,” ani VP Sara sa isang panayam sa Davao City.

Ayon kay House Committee on Justice member at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, tatalakayin sa susunod na pagdinig sa Marso 18 ang posibleng conflict of interest ng dalawang abogado ng Bise Presidente na sina Atty. Reynold Munsayac at Michael Poa.

Tungkol naman sa alegasyon ng ’18 Marines’ sa “maleta” na umano’y naglalaman ng pera para suhulan ang ilang mga politicians, sinabi ni VP Sara na maghihintay muna sila ng posibleng bagong ebidensya bago magkomento.

Binigyang-diin niya na hindi niya personal na dadalhin ang mga isyu laban sa kanya, ngunit hindi rin niya palalampasin ang ilegal na gawain laban sa bansa tulad ng korapsyon at pang-aabuso.

Sa usapin ng 2028 national elections, sinabi ni VP Sara na ang potensyal na running mate na kanyang na-recruit ay hindi pa nakakapagdesisyon kung tatakbo o hindi. Idinagdag din niya na may apat na kandidato para sa Senado na humiling na mapasama sa kanyang lineup.

Kasabay nito, pinangunahan ni VP Sara at dating Pangulo at Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo, ang pagpirma sa isang coffee table book bilang paggunita sa ika-90 anibersaryo ng Office of the Vice President sa Davao City. Binisita rin nila ang pop-up exhibit na nagtatampok sa lahat ng vice presidents ng Pilipinas.

Binigyang-pansin ni Duterte ang legacy ni Arroyo, na kasama ng kanyang ama, si dating Pangulong Diosdado Macapagal, bilang nag-iisang father-and-daughter pair na parehong nagsilbi bilang VP at Presidente. Nagbiro rin siya tungkol sa libro at exhibit bilang permanent record ng 14 VP, bukod sa kanyang sarili.

”14 lang kasi hindi pa tapos yung pinaka-15. Hindi natin alam kung ma-impeach siya o hindi. Hindi pa tapos ang kwento niya,” wika ng Bise.