Bunsod ng malaking kabawasan sa arawang kita ng mga tsuper, napipilitan ngayon ang transport group na MANIBELA na humirit ng aabot sa dalawang pisong provisional fare increase para sa mga public utility vehicles (PUVs).
Ayon kay MANIBELA Chairperson Mar Valbuena, pumalo na sa P400 hanggang P500 ang nawawala sa arawang kita ng mga tsuper.
Ito ay matapos umabot sa P25 hanggang P30 ang itinaas sa kada litro ng langis sa mga nakalipas na linggo na epekto ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Palala pa umano ang sitwasyon dahil sa inaasahang panibagong P15 na dagdag-presyo sa petrolyo na ipapataw sa susunod na linggo.
Iginiit ni Valbuena na huling opsyon na lamang nila ang paghingi ng dagdag-pasahe.
Bilang paraan upang makatipid, nagpapatupad na ng alternate driving schedules ang mga tsuper upang hindi mag-agawan sa mga pasahero, lalo na tuwing off-peak hours kung saan matumal ang sakay.
Binigyang-diin din ng MANIBELA na hindi sapat ang P5,000 na fuel subsidy ng pamahalaan upang saluhin ang kanilang pagkalugi.
Patuloy ang panawagan ng grupo sa gobyerno na masuspinde o mabawasan ang excise tax at value added tax sa langis upang hindi na dumanas ng dagdag-pasanin ang mga ordinaryong komyuter.
















