-- Advertisements --

Nanindigan si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na dapat dalhin ng mga retiradong sundalo sa korte ang kanilang mga alegasyon at hindi lamang idinadaan sa presscon.

Tinutukoy ng retiradong Philippine National Police chief ang paglitaw ng 18 lalake na nagpakilalang dating sundalo at bagmen ng mga pulitiko.

Isa si Gen. Torre sa mga tinukoy na naging bahagi ng mga pulong kasama sina dating Sen. Antonio Trillanes IV, at mga kinatawan ng International Criminal Court (ICC) kung saan, ayon sa mga retiradong sundalo, nagkaroon ng suhulan.

Bagaman pinili ng retiradong heneral na hindi muna sagutin nang detalyado ang alegasyon, nanindigan itong inuna sana muna nila ang pagsasampa ng kaso kaysa magtawag ng press conference.

Kinukuwestyun ng dating PNP chief ang sinseridad at tunay na layunin ng mga ito, lalo na ang hindi paglalabas agad ng kopya ng affidavit na pirmado ng bawat nagpakilalang retiradong sundalo.

Kung nagawa na aniya ng grupo na ipa-notaryo ang kanilang affidavit at kaya na nila itong panindigan, bukas na umano ang heneral na sagutin ang alinman sa kanilang alegasyon.