-- Advertisements --

Inihayag ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at Agimat Partylist Rep. Bryan Revilla na maaaring itulak ng Kamara ang mas malaking pondo para sa mga ahensyang tumutulong sa overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East na maaaring magdulot ng mas maraming repatriation.

Ayon kay Revilla, handa ang Kongreso na pag-aralan ang dagdag na pondo sa susunod na General Appropriations Act (GAA) at maging supplemental budget kung lalala ang krisis at dadami ang kailangang pauwiin na OFWs.

Binanggit din niya ang kakulangan sa tauhan ng mga Migrant Workers Office (MWO) sa rehiyon, na may 10 hanggang 20 empleyado lamang bawat opisina kahit may humigit-kumulang 2.4 milyong Pilipino sa Middle East.

Sa datos ng pamahalaan, mahigit 4,357 Pilipino sa Kuwait na ang humingi ng tulong at 2,690 sa kanila ang nag-request ng repatriation.

Mayroon pang P1.4 bilyon sa emergency repatriation fund at P2 bilyon sa action fund na maaaring gamitin para sa evacuation at iba pang tulong.

Binigyang-diin ni Revilla na dapat protektahan ang OFWs na nagpapadala ng halos $32.8 bilyon na remittance bawat taon sa bansa. Dagdag niya, patuloy na inaayos ng pamahalaan ang chartered flights at iba pang hakbang upang matiyak ang ligtas na pag-uwi ng mga Pilipino mula sa Middle East.