-- Advertisements --

Suportado ng mga eksperto sa kalusugan ang paggamit ng publiko sa alternatibong transportasyon kasabay sa pagtaas ng presyo ng langis dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Dr. Ricardo Francisco ng Philippine Society of Nephrology, maituturing ito bilang isang pagkakataon para mapagtuunan ng pansin ang halaga sa pag-eehersisyo.

Sa halip kasi na gumamit pa ng sasakyan papasok sa trabaho o pupuntahan, mainam din daw ang paglalakad na makatutulong na mapabuti ang kalusugan.

Payo ng naturang doktor na gumamit na lamang ng bisikleta o maglakad kung malapit lang naman ang uuwian para makatipid na rin sa pagkonsumo ng gasolina.

“Advice ko pa din na this is an opportunity na makakatulong tayo na matulungan natin; because of the crisis eh take, mag-exercise, maglakad na lang. Kung pwede naman, kung malapit lang naman or pwede namang ilakad from office to home, maglakad na lang,” ani Dr. Ricardo Francisco ng Philippine Society of Nephrology.

Sa naganap kasing pulong balitaan ng Philippine College of Endocrinology, Philippine Heart Association at iba pang grupo, kanilang isinusulong ang mga hakbang para maiwasan ang sobrang katabaan.

Ibinahagi ni Dr. Nemencio Nicodemus Jr., MD. ng Philippine College of Physicians na ang ‘obesity’, bukod sa maraming taba sa katawan ay kalakip rin ang pagkakaroon ng mga komplikasyon sa kalusugan.

“Mahalagang malaman natin na ang isang taong may obesity ay hindi lamang po maraming taba, marami siyang pwedeng ibang maging sakit. Kasama na po dito ay tinatawag natin na ‘obstructive sleep apnea’,” ani Dr. Nemencio Nicodemus Jr., MD. ng Philippine College of Physicians.

Dahil rito’y payo ng mga eksperto na kumonsulta sa mga doktor para mapigilan ang negatibong epekto dulot ng sobrang katabaan.