Pumalo na sa mahigit P5.5 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa iba’t ibang dako ng bansa dulot ng patuloy na pananalasa ng matinding El Niño.
Batay sa pinakabagong datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 201,322 na magsasaka at mangingisda ang direktang naapektuhan at nawalan ng pangunahing kabuhayan.
Pinaka matinding tinamaan ng matinding tagtuyot ang Rehiyon 2, kasunod ang mga Rehiyon ng CALABARZON, Region 5, Region 9, Region 11, Region 12, at CARAGA.
Apektado rin ang maraming mamamayan, kung saan umabot sa 388,375 na tao o 104,149 na pamilya ang labis na nahihirapan dahil sa El Niño.
Dahil sa malawakang epekto nito sa kabuhayan at suplay ng pagkain, pormal nang isinailalim sa state of calamity ang kabuuang 106 na lungsod at munisipalidad sa iba’t ibang dako ng bansa.
Kaugnay nito, lumalabas na ang Rehiyon 2 ang may pinakamaraming lokal na pamahalaan na nagdeklara ng state of calamity na umabot sa 66 na bayan at lungsod.
Nagpaabot na ang pambansang pamahalaan ng higit P39 milyong halaga ng tulong at ayuda para sa mga apektadong pamilya.
















