-- Advertisements --

Ikinabahala ng ilang sektor ang panukalang pondo ng Department of Agriculture para sa taong 2027 na umaabot sa P198.45 bilyon.

Mas mababa ito ng 8 %, o katumbas ng P17.25 bilyon, kumpara sa P215.69 bilyong inaprubahan para sa ahensya noong 2026.

Ayon kay dating Agriculture Secretary Leonardo Montemayor, malaking banta ito sa pambansang food security lalo na sa gitna ng inaasahang mas matinding epekto ng El Niño at ng patuloy na tensyon sa Middle East na nagpapataas sa gastusin sa produksyon.

Upang maiwasan ang krisis, mungkahi ni Montemayor na unahing palakasin ang lokal na produksyon sa halip na umasa sa labis na importasyon.

Aniya, ang sabay na pagbaha ng imported goods at lokal na ani ay magdudulot lamang ng matinding pasanin at lugi sa mga magsasaka sa halip na makatulong.

Bukod dito, mahigpit din ang panawagan niya sa Department of Justice na papanagutin at usigin ang mga nasa likod ng agricultural smuggling na nagpapabagsak sa presyo ng mga lokal na bilihin.

Binigyang-diin pa niya na ang mga puslit at misdeclared na produkto ay hindi dumadaan sa tamang pagsusuri. Bukod sa nagdudulot ito ng malaking lugi sa koleksyon ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa pag-iwas sa buwis, maaari rin itong magdala ng mga mapanganib na sakit na direktang banta sa kalusugan ng publiko.

Matatandaang napuna ang ahensya bunsod ng mga isyu sa importasyon ng mga produktong tulad ng monggo, gayundin ang patuloy na problema sa smuggling at misdeclaration ng sibuyas at iba pang gulay sa bansa.