-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa inilunsad na Long March 8A rocket sa mga katubigan at exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa inilabas na advisory ng ahensiya, tinatayang bumagsak ang Chinese rocket debris sa unang drop zones sa loob ng EEZ ng Pilipinas, 162 nautical miles (NM) mula sa El Nido, Palawan; 185 NM mula sa Puerto Princesa, Palawan at 101 NM mula sa Patag Island.

Ang ikalawang drop zone sa loob ng archipelagic waters ng bansa ay sa 32 NM mula sa Hadji Mugtamad, Basilan ; 44 NM mula sa Pangutaran Island, Sulu; at 47NM mula sa Tubbataha Reefs Natural Park.

Ayon sa PhilSA, hindi inaasahang tatama ang Chinese rocket sa kalupaan o sa matataong lugar, subalit nagbabala ang ahensiya na maaaring maging mapanganib ang pagbagsak ng debris sa mga naglalayag na barko, eroplano, bangkang pangisda at iba pang dumaraan sa mga nabanggit na drop zones.

Inaabisuhan din ang publiko na ipaalam sa mga lokal na awtoridad sakali mang may mamataang kahina-hinalaang debris.

Pinag-iingat din ang publiko na huwag lumapit o i-retrieve sakaling makita ang debris dahil maaaring naglalaman ito ng remnants ng toxic substance gaya ng rocket fuel.

Una rito, ayon sa PhilSA, inilunsad ang naturang Chinese rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan madaling araw nitong Biyernes, oras sa Pilipinas.