-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng posibleng pagbagsak ng rocket debris ng China sa katubigan sa Northern Luzon.

Nakatakda kasing ilunsad ng China ang Jielong-3 rocket mula Haiyang, Shandong Province sa pagitan ng alas-10:29 ng umaga at alas-11:04 ng umaga (PH time) sa Miyerkules, Agosto 5.

Base sa Philippine Space Agency, sinabi ng Coast Guard District North Eastern Luzon na ang natukoy na drop zone ay sa loob exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Inaasahang babagsak ang ilang parte ng rocket sa Drop Zone 1 na matatagpuan humigit kumulang 94 nautical miles mula sa Babuyan Island at 143 nautical miles mula sa Sta. Ana, Cagayan.

Ayon sa ahensiya, bagamat mababa ang panganib nito sa teritoryo ng Pilipinas, inaabisuhan ang lahat ng mga sasakyang pandagat na iwasan ang mga natukoy na drop zone sa nabanggit na araw at agad na ipaalam sa pinakamalapit na PCG unit ang anumang hinihinalang rocket debris.