Umabot hanggang Bataan ang usok mula sa nasunog na Navotas Sanitary Landfill, ayon sa satellite data na inilabas ng Philippine Space Agency (PhilSA) noong Biyernes, Abril 18, 2026.
Magugunitang nagsimula ang sunog bago mag alas-8:00 ng gabi noong Abril 10 kung saan hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang mga operasyon upang tuluyang maapula ito.
Base sa mga kuhang larawan ng satellite noong Abril 11, makikita na kumalat ang usok mula Navotas City patungong kanluran hanggang umabot ito sa Bataan dulot ng direksyon ng hangin.
Ipinaliwanag ng PhilSA na ang mas madidilim na kulay sa kanilang datos ay nagpapakita ng mataas na antas ng nitrogen dioxide concentrations, na indikasyon ng lawak ng usok.
Bagama’t bahagyang humina ang nitrogen dioxide concentrations nito pagsapit ng hapon, nanatili pa rin itong mataas sa Metro Manila.
Kinumpirma naman ng Department of Environment and Natural Resources na nakapagtala ng hindi magandang kalidad ng hangin sa mga lugar na naapektuhan ng makapal na usok, na maaaring magdulot ng mga sakit sa paghinga.
Ayon sa lokal na pamahalaan, hindi na operasyon ang landfill mula pa noong 2025. Gayunman, naiwan umano ang mga basurang hindi maayos na naisara o na-rehabilitate, dahilan upang maging madaling masunog ang mga ito lalo na sa panahon ng tag-init.
















