Ipapadala sa Pilipinas sa oktubre ang sounding rocket na nakatakdang ilunsad sa bansa sa 2027.
Ayon kay Representative John Yap, budget sponsor ng Philippine Space Agency o PHILSA, kasalukuyang binubuo ang flight model ng rocket habang isinasagawa pa ang mga kinakailangang testing.
Noong Agosto 11, nagtungo sa South Korea ang mga Philsa engineer para sa 10-linggong technical at hands-on training sa paggawa ng sounding rocket.
Nasa P100 milyon ang inilaan ngayong taon para sa proyekto.
Inaasahang magagamit ang sounding rocket sa pag-aaral ng lagay ng panahon at atmospera, radiation, space physics, communications, at mga bagong teknolohiya.
Una nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanyang State of the Nation Address ang planong test launch sa 2027, na isasagawa katuwang ang isang South Korean company.
Samantala, nilinaw ni Yap na walang involvement ang US military sa rocket launch kahit isasagawa Ito sa isang enhanced defense cooperation agreement o EDCA site na ginagamit ng mga tropang Amerikano sa rotational basis.















