Iniulat ng Philippine Space Agency (PhilSA) na lumawak pa ang mga agricultural crop na posibleng naapektuan ng ash deposits mula sa bulkang Mayon sa Albay.
Sa isang statement ngayong Sabado, ikinumpara ng ahensiya ang lawak ng apektadong mga pananim sa size ng siyudad ng Mandaluyong sa Metro Manila.
Ayon sa ahensiya, ang tinatayang lawak ng ash deposits mula sa Mayon kasunod ng naitalang pyroclastic density current o uson noong Mayo 2, ay may saklaw na 1,039 ektarya ng palayan at 191 ektarya ng iba pang pananim.
Ang pinagsamang crop area ay inilarawang katumbas ng size ng lungsod.
Ang ahensiya ang nag-aanalisa ng satellite data para makapagbigay ng wide-area coverage para maasistehan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pag-monitor ng sitwasyon at maprayoridad ang mga lugar para sa pagresponde.
Pinapayuhan naman ng ahensiya ang publiko na sumunod sa mga abiso mula sa lokal at pambansang ahensiya kaugnay sa aktibidad ng bulkan.
Una rito, mahigit 50 barangay sa Albay ang naapektuhan ng ashfall dahil sa tumindi pang volcanic activity sa Mayon.
















