Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) na tinatayang bumagsak sa katubigang sakop ng exclusive economic zone at archipelagic waters ng Pilipinas ang debris ng inilunsad ng China na Long March 7A rocket.
Sa inilabas na abiso ng ahensiya, ibinabala nito na posibleng bumagsak ang rocket debris sa drop zones, sa tinatayang 41 nautical miles (NM) mula sa Burgos, Ilocos Nirte at 62 NM mula sa Dalupiri Island, Cagayan gayundin sa 69 NM mula sa Santa Ana, Cagayan at 81 NM mula sa Camiguin Norte.
Bagamat hindi inaasahang babagsak sa kalupaan o kabahayan ang naturang rocket debris, ibinabalang maaaring magdulot ng panganib ang pagbagsak nito sa mga naglalayag na barko, aircraft, bangkang pangisda at iba pang sasakyang pandagat na dumaraan sa mga nabanggit na drop zones.
Ayon sa PhilSA, inilunsad ang naturang rocket mula sa Wenchang, Hainan bandang alas-12:16 ng madaling araw ngayong Miyerkules, Mayo 27.
Hinimok naman ng ahensiya ang publiko na ipagbigay-alam sa mga otoridad sakaling mamataan ang hinihinalang debris.
Pinag-iingat din ang publiko na huwag itong lapitan o i-retrieve dahil maaaring naglalaman ito ng nakalalasong substance gaya ng rocket fuel.
















