-- Advertisements --

Naidokumento ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang pag-angat ng mga pampang sa Davao Occidental kasunod ng naganap na magnitude 7.8 na lindol noong June 8, 2026.

Inilabas ng PhilSA ang mga larawan na nagpapakita sa pag-usog ng dagat mistulang paglayo ng dagat mula sa dating mga pampang.

Batay sa mga satellite image na kuha at hawak ng PhilSA bago at pagkatapos ng lindol, kapansin-pansin ang paglayo ng dagat mula sa mga dalampasigan na dating palapit sa mga kabahayan sa naturang lugar.

Tinatayang umabot sa 179 ektarya ang lawak ng naiangat na dalampasigan.

Gumamit din ang PhilSA ng Sentinel-2 at BlackSky satellite images upang matukoy ang mga pagbabago at makatulong sa damage assessment.

Magagamit din ang naturang teknolohiya sa pagpaplano ng mga susunod na hakbang tulad ng pagprotekta sa coastal uplift areas at pagbuo ng polisiya tulad ng no-build zones.

Bago nito ay una nang iniulat ng Department of Environment and Natural Resources na umangat ng hanggang 2 metro ang seabed at umurong nang tinatayang 200 metro ang baybayin sa ilang bahagi ng katabing probinsiya na Sarangani kasunod ng malakas na lindol.

Nilinaw naman ng PhilSA na sasailalim muna sa ground validation ang inilabas na resulta.