Hindi uusad o makakarating sa opisina ng House Speaker ang anumang impeachment complaint mula sa mga pribadong indibidwal kung walang pormal na endorsement mula sa kahit isang miyembro ng Mababang Kapulungan.
Ito ang binigyang-diin ni House Committee on Justice Chairperson at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa gitna ng mga usap-usapan tungkol sa mga reklamong isinusulong laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Luistro, katulad ng anumang panukalang batas, kailangang may sponsor na mambabatas ang reklamo bago ito opisyal na maipasa sa Office of the Speaker.
Ipinaliwanag ni Luistro na may dalawang paraan ng paghahain ng impeachment:
Unang Mode: Isang pribadong indibidwal na may sponsor na House member. Ito ay dadaan sa mandatoryong proseso ng Committee on Justice para sa pagsusuri ng form at substance.
Ikalawang Mode: Isang reklamo na nilagdaan at pinatunayan ng hindi bababa sa one-third ng lahat ng miyembro ng Kamara. Itinuturing itong “express lane” dahil hindi na kailangan ang referral sa komite at diretso na sa Senado.
Sa kasalukuyan, wala pang natatanggap na opisyal na kopya ang komite ng anumang reklamo.
Kung dadaan sa unang mode, dadaan ang proseso sa limang hakbang: pagtiyak sa sufficiency in form, sufficiency in substance, basis for impeachment, pagdinig sa mga testigo, at ang pagtukoy ng probable cause bago ito iakyat sa plenaryo para sa botohan.
“It is not my intention really to preempt the discussion of the sufficiency in form … First and foremost, wala pa po tayong official copy of any of those impeachment complaints. But I can speak on the rules that by form, dapat supported ‘yan by a House member, dapat signed ng private individual at dapat verified by an authorized officer,” pahayag ni Luistro.
















