-- Advertisements --

Iginiit ni House Committee on Public Accounts Chair at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, sabay na tinutugunan ng House of Representatives ang pagtaas ng presyo ng langis at ang mga reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang pahayag ni Ridon sa isang media forum sa Quezon City bilang tugon sa sinabi ng kampo ng bise presidente na mas inuuna umano ng Kongreso ang impeachment kaysa sa pagresolba sa oil price crisis. 

Ayon kay Ridon, hindi totoo ang naturang pahayag dahil kaya ng Kongreso na sabay na isulong ang mga hakbang para sa economic relief at ang mga usapin ng pananagutan.

Tinukoy ni Ridon ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo kapag may matinding pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado. Naaprubahan na ito sa ikalawang pagbasa at inaasahang maipapasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa linggong ito.

Samantala, hinihintay pa ng House Committee on Justice ang pormal na sagot ni VP Sara Duterte sa ikatlo at ikaapat na reklamong impeachment na isinampa laban sa kanya. 

Ayon kay Ridon, inaasahang maisusumite ito hanggang ngayong weekend o sa Lunes.

“So at the moment, inaantay po ng House Committee on Justice ‘yun pong answer ng pangalawang pangulo.So I think she has until this weekend and until Monday to submit her answer to the House Committee on Justice,” pahayag ni Ridon.