Inihayag ni Batangas 2nd district Rep. Gerville Luistro, chairperson ng House Committee on Justice, nasayang ang pagkakataon ng kampo ni VP Sara Duterte na direktang sagutin ang mga paratang laban sa kanya matapos isumite ang 15-pahinang Consolidated Verified Answer Ad Cautelam.
Ani Luistro, hindi tumugon ang sagot ng Pangalawang Pangulo na point by point sa mga impeachment allegations, na siyang matagal nang hinihintay ng publiko.
Binanggit niya na habang binabasa ang sagot, tila isang motion to dismiss ito, na hindi pinapayagan sa impeachment proceedings. Dahil dito, puwede ng komite ituring ang filing ni VP Duterte bilang general denial, na para bang hindi direktang sinagot ang mga alegasyon.
Inihayag ni Luistro na nakumpirma na ng komite ang sufficiency in form and in substance ng dalawang natitirang impeachment complaints laban kay VP Duterte sa nakaraang deliberasyon.
Dagdag pa niya, iginagalang nila ang opinyon ng kampo ni VP Duterte ngunit nananatili silang maingat sa pagsunod sa patakaran ng komite. (report by Bombo Jai)
















