-- Advertisements --

Hindi pa ikinukonsidera ng pamahalaan ang anumang military action sa gitna ng patuloy na agresyon ng China sa West Philippine Sea.

Sa isang pahayag, iginiit ni National Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na nasa panig ng China ang buong responsibilidad na iwasan ang anumang tensyon at alitan dahil umano sa kasalukuyang posisyon nito bilang walang karapatan kaya’t walang sumusuporta sa kanilang naratibo sa buong mundo.

Matatandaang kamakailan ay muling hinarang ng mga barko ng China ang mga sasakyang-dagat ng Pilipinas na naglalayong maghatid ng suplay para sa mga sundalong nakabantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sa kabila nito, nilinaw ni Teodoro na hindi naglalagay ng threshold o hangganan ang bansa sa mga hakbang nito sa gitna ng agawan sa teritoryo.

Sa halip, nakatutok ang ahensya sa pagpapalakas ng depensa sa pamamagitan ng re-equipping upang maging matatag at mabigyan ng mas malakas na toolkit ang Pangulo at mga diplomat para hindi basta-basta matakot ng ibang bansa.

Bahagi rin nito ang pagpapalakas ng maritime cooperative activities ng Pilipinas kasama ang mga kaalyadong bansa tulad ng Japan, Canada, Australia, France, at United Kingdom upang epektibong maprotektahan ang soberanya ng bansa.