-- Advertisements --

Nairehistro ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang tuloy-tuloy na strombolian activity at short-lived lava fountaining sa Bulkang Mayon kaninang umaga, Marso 16, 2026.

Ang naturang aktibidad ay nagsimula bandang alas-3:32 ng madaling araw at tumagal hanggang 7:10 ng umaga.

Ang strombolian activity ay isang mild-to-moderate explosive volcanic eruption kung saan sunod-sunod na ibinubuga ng bulkan ang nagbabagang lava, makakapal na usok, at iba pang volcanic materials.

Batay sa tala ng PHIVOLCS, ito na ang ika-70 araw ng patuloy na pag-aalburuto ng Mayon mula nang itaas ito sa Alert Level 3.

Ayon sa ahensya, tuloy-tuloy pa rin ang pagdaloy ng lava at pyroclastic density currents (PDCs) o uson, kasama na ang mga rockfall event kung saan malalaking tipak ng namuong lava ang bumabagsak mula sa tuktok ng bulkan patungo sa iba’t ibang gulley.

Dahil dito, nananatiling mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan.

Sa pinakahuling ulat ng PHIVOLCS ngayong linggo, nakapagtala rin ng mahigit 150 volcanic earthquakes at apat na lava collapse events mula Marso 10–15, indikasyon ng patuloy na aktibidad ng bulkan.

Nananatiling naka-alerto ang mga lokal na awtoridad sa Albay at handa ang mga evacuation centers sakaling lumala pa ang sitwasyon.