Bumuwelta si Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon sa kampo ni VP Sara Duterte matapos umanong magpadala ang pangalawang pangulo ng isang non-answer bilang kasagutan sa 10-day notice ng House Justice Committee ukol sa dalawang impeachment complaint laban sa kaniya.
Ayon kay Rep. Ridon, walang sinagot ang pangalawang pangulo sa mga alegasyong nakapaloob sa dalawang reklamo at sa halip ay inilihis lamang niya ang kaniyang tugon.
Sa halip na direktang sagot, nagrereklamo pa aniya ang kampo ng pangalawang pangulo na hindi sila nabibigyan ng due process.
Sagot ng mambabatas, ang pagbibigay sa kanila ng notice para magbigay ng kumento ay isa nang malinaw na pagsunod sa due process na itinatakda ng batas.
Sinagot din ng mambabatas ang alegasyon ng pangalawang pangulo na walang ultimate facts na nakapaloob sa dalawang impeachment complaint.
Aniya, mayroong sapat na ebidensiyang nagpapatunay sa mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya, tulad ng maanomalyang paggamit sa kaniyang confidential funds, Statement of Assets Liabilities and Networth, at hindi maipaliwanag na yaman.
Lahat ng ito ay maingat na iprinisenta ng complainants aniya, kalakip ang sapat na ebidensiya.
Ayon sa mambabatas, sa halip na sagutin ng kampo ng pangalawang pangulo ang naturang reklamo ng isa-isa ay pinili nilang magbigay ng hindi maayos na kumento, at ilihis ang kanilang kasagutan. (report by Bombo Genesis)
















