-- Advertisements --

Inamin ng isang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ginawang tulay ang dalawa pang opisyal ng ahensya upang maiparating sa kanya ang P130-milyong umano’y token of gratitude mula kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Sa kanyang unang pagharap bilang state witness sa Sandiganbayan Sixth Division, isiniwalat ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang naging sistema ng umano’y suhulan.

Ang patotoo ay kaugnay sa kinakaharap na malversation charges ng 16 na indibidwal, kabilang sina Co at iba pang dating opisyal ng DPWH, dahil sa umano’y substandard na proyekto sa Oriental Mindoro.

Ayon kay Bernardo, tumanggap siya ng P100-milyong parte na dumaan kay dating DPWH First District Engineering Office District Engineer Henry Alcantara, habang ang karagdagang P30 million ay ipinadaan naman kay dating DPWH 4B Regional Director Gerald Pacanan.

Nang tanungin ni Associate Justice Sarah Fernandez kung ano ang layunin ng nasabing pera, tugon ni Bernardo na ito ay token bilang pasasalamat para sa maayos na transaction kay Engineer Alcantara.

Hinati umano ang ipinadaan kay Alcantara sa P40 milyon noong 2023, P40 milyon noong 2024, at P20 milyon noong 2025. Ang pondo namang dumaan kay Pacanan ay hinati sa tig-P10 milyon kada taon sa loob ng parehong saklaw ng panahon.

Nilinaw ng dating undersecretary na hindi niya personal na tinanggap ang pera, kundi idinaan ito sa kanyang mga aide.

Kasalukuyang state witness din si Alcantara, habang kapwa akusado naman sa kaso si Pacanan.