-- Advertisements --

Inilatag ni Senate President Pro Tempore Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang mga napagtagumpayan na ng kaniyang pinamumunuang Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects ng gobyerno.

Sa kanyang opening statement kasabay ng pagsisimula ng ikawalong pagdinig sa flood control anomaly nitong hapon ng Lunes, Enero 19, inisa-isang ipinagmalaki ni Senator Lacson ang mga nakamit sa imbestigasyon kabilang ang mga pagbubunyag ng “key actors” sa flood control scam.

Ayon sa Senador, pinakinggan at itinala ng komite ang mga sinumpaang testimonya nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineer Henry Alcantara, Assistant District Engineer (ADE) Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at ng iba pang tinaguriang “Bulacan Group of Contractors” o BGC boys, mula nang maibunyag ang Bulacan 1st District Engineering Office bilang sentro ng pinakamalaking saga ng korapsyon.

Dagdag pa ng mambabatas, sinundan din ng komite ang bakas ng pera at mga dokumento na nagbunyag sa malalim na network ng “in-house contracting,” “bid rigging,” “padded contract costs,” at “license renting.” Inilarawan niya ang mga scam bilang “napakasistematiko”, na nagresulta sa mga substandard na imprastraktura at ghost flood control projects at napatunayan din aniya na ang mga kaso sa Bulacan ay nagsilbing pintuan lamang ng mas malawak pang imbestigasyon.

Binigyang-diin ni Sen. Lacson na isinasagawa nila ang mga pagdinig nang may katarungan at integridad, nakabase sa ebidensya, gayundin hindi sila tumatarget ng sinumang partikular na tao at wala rin intensyon na pagtakpan ang kahit sinuman.

Sa kasalukuyan aniya, may mga nakasakdal na sa Sandiganbayan at sa mga korte ng bansa. Marami na rin ang sumasailalim sa preliminary investigations ng Ombudsman at Department of Justice (DOJ, kabilang ang mga contractor at matataas na opisyal ng ehekutibo at lehislatura, maging sa ibang sangay ng pamahalaan. Mayroon na ding isinailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng DOJ.

Kinumpirma rin ni Sen. Lacson na hindi bababa sa ₱21.7 bilyon ang bank accounts at iba pang mga ari-arian ang naka-freeze na sa ilalim ng kautusan mula sa Court of Appeals.

Ipinagmalaki rin ni Senator Lacson na naging daan ang mga pagdinig ng komite sa pagkakabunyag ng “conflict of interest” sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).

Naging daan din aniya ang komite sa implementasyon ng “landmark transparency reforms” sa proseso ng pambansang pondo gaya ng pag-livestream sa deliberasyon ng bicameral conference committee sa kauna-unahang pagkakataon.

Nagbabala naman ang Senador sa aniya’y nagdududa, detractors at hijackers na nananamantala sa kahinaan at galit ng publiko sa gitna ng paggulong ng imbestigasyon. Giit ng Senador, hindi mapapatahimik ng ingay ang katotohanan, at hindi makakatulong sa imbestigasyon.

“Your noise cannot convict and won’t even indict the manufactors in this flood control mess, only evidence does,” giit ng Senador.

Pinalagan din ng Senador ang paratang sa Blue Ribbon Committee na “inutil at walang silbi”. Aniya, hindi lamang ito insensitibo sa mga miyembro ng komite, kundi insulto rin sa mga kababayang Pilipino na patuloy na sumusubaybay sa mga pagdinig at lumahok sa trillion-peso march, at sa lahat ng mga nagmamalasakit na mamamayan na nagising at nakakita sa sistematikong korapsyon sa bansa.