-- Advertisements --

Hinimok ng Commission on Audit (COA) ang Ombudsman na imbestigahan ang mahigit P275 million halaga ng flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.

Kasama sa pinasisilip ang umano’y ghost projects, hindi awtorisadong site relocations at pagbabayad para sa mga istruktura na missing o nakatayo na bago pa man maging epektibo ang mga kontrata.

Sa isang statement, sinabi ng state audit body na ipinatupad ang mga kwestiyonableng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st district engineering office at in-award sa SYMS Construction Trading at Wawao Builders.

Ayon sa COA, natuklasan sa kanilang imbestigasyon ang sistemationg maling paggamit ng public funds, na nagbunsod sa paghahain ng fraud audit reports bilang parte ng mas malawak pang imbestigasyon sa flood control projects sa probinsiya.

Nadiskubre na ilan sa mga site ay walang flood control o riverbank protection structures kahit na nakadeklara sa record na nakumpleto na o natapos na ang proyekto.

May iba namang nasilip na iba ang lokasyon sa nakasaad sa inaprubahang plano at kontrata, at walang kasulatan na nagbibigay ng awtorisasyon para sa relokasyon.

Aabot sa 20 DPWH officials at contractor representatives na ayon sa COA ay maaaring mapanagot kabilang sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at Sally Santos ng SYMS Construction.

Maaaring maharap ang mga sangkot sa iregularidad ng mga proyekto sa kaosng graft and corrupt practices, malversation of public funds, falsification of documents, at iba pa.

Inaasahan na mas marami pang fraud audit reports ang ihain sa Office of the Ombudsman habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.