Nakatakdang tumanggap ang mga pensioner ng Social Security System (SSS) ng panibagong pagtaas ng pensyon, kasabay ng paglulunsad ng isang bagong micro-loan program.
Nakamit ng SSS ang record-high na net income na ₱142.970 bilyon, at kabuuang assets na tumaas ng 22.1 porsyento na umabot sa ₱1.261 trilyon. Lumampas naman sa ₱1 trilyon ang reserve funds ng SSS na itinuturing na isang milestone dahil ito ang pinakamataas sa loob ng 69-taong kasaysayan nito.
Bukas naman ang SSS sa posibilidad na palaguin ang reserve fund nito hanggang ₱2 trilyon sa loob ng tatlo hanggang apat na taon. Ang financial performance na ito ay nagbibigay-daan sa SSS sa kanilang dagdag-benepisyo programs nang hindi itinataas ang kontribusyon mula sa mga miyembro.
Magpapatupad naman ang SSS ng mga susunod pa na pension adjustments. Ang mga retirement at disability pensioners ay magkakaroon ng 10% annual increase, samantalang 5% annual increase naman para sa mga death at survivor pensioners na naka-iskedyul para sa Setyembre 2027.
Sa isang pulong balitaan, ipinahayag ni Finance Secretary at Social Security Commission (SSC) Chair Frederick D. Go na nakahanda ang SSS na magbigay ng mas mahuhusay na programa na makatutulong sa mga miyembro ng SSS. Aniya, iaanunsyo nila ang lahat ng ito sa tamang panahon.
“Sigurado ang inyong pensyon. Sigurado ang inyong benepisyo. Sigurado po ang inyong bukas,” ani Go.
Kinumpirma rin ni Finance Secretary at Social Security Commission (SSC) Chair Frederick D. Go na ang ₱142-bilyong net income para sa taong 2025 ay nagbunga ng pagkaluklok sa SSS bilang pinakamataas na kumikitang Government-Owned o Controlled Corporation (GOCC) sa bansa.
Samantala, isang bagong micro-loan program na naglalayong palawakin ang ligtas, abot-kaya, at maginhawang access sa short-term credit para sa mga miyembro ng SSS ang inilunsad kung saan makikipagtulungan ang SSS sa mga bangko at institusyong pinansyal upang ihatid ang programa sa pamamagitan ng kanilang mga digital platforms.
Ang halaga naman ng loan ay mula ₱1,000 hanggang ₱20,000, depende sa average monthly salary credit ng isang miyembro, flexible na termino ng pagbabayad mula 15 hanggang 90 araw, at interes na 8% kada taon o 0.67% kada buwan, at bukas naman ito sa mga kwalipikadong miyembro ng SSS na may edad 18 hanggang wala pang 65 taong gulang.
Ipinahayag naman ni Social Security System (SSS) President at CEO Robert Joseph M. de Claro na ang magandang performance ng SSS ay nagsisilbing oportunidad para sa SSS na maghatid ng mas mahusay na serbisyo sa mga Pilipino. Dagdag pa niya, ang pangunahing direktiba na ibinigay sa kanila ay “paano mas mapapabuti ang ugnayan sa mga miyembro.”
Binigyang-diin din niya ang iniaalok ng SSS na calamity loan kung saan mayroong 6 na buwang moratorium ito, na nangangahulugang walang babayaran sa loob ng nabanggit na panahon. Ang mga calamity loan ay maaaring bayaran sa loob ng 24 na buwanang installment at maaaring i-renew pagkalipas ng anim na buwan kung ang mga pagbabayad ay updated o nasa oras.
Sinabi rin niya na pinakaiingatan nila ang pera ng kanilang mga miyembro, at patuloy ang pagpapaigting ng mga bagong programa para sa kanilang mga miyembro, pensioner, mga employer at may-ari ng negosyo sa Pilipinas.













