Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa Social Security System (SSS) na magpatupad ng loan moratorium upang matulungan ang middle class na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East.
Ayon kay Gatchalian, maaari itong maging katulad ng hakbang ng Government Service Insurance System (GSIS), na nagpatupad na ng pansamantalang pagpapaliban sa pagbabayad ng utang.
Kasabay nito, binanggit din ng senador ang inisyatiba ng Pag-IBIG Fund na nagbigay ng tatlong buwang housing loan moratorium para sa mga umuwing overseas Filipino workers o OFWs na apektado ng digmaan.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Gatchalian na palawakin pa ang ganitong tulong upang masaklaw ang lahat ng miyembro ng Pag-IBIG, hindi lamang ang mga OFW.
Batay sa datos ng Senate Economic Planning Office, umabot sa 4.1% ang inflation noong Marso, na nagresulta sa pagbaba ng purchasing power ng mga sambahayan.
Tinatayang nawalan ng P1,138 hanggang P2,275 kada buwan ang nasa 9.1 milyong lower middle-income households, habang nasa P2,274 hanggang P3,982 naman ang nabawas sa kita ng humigit-kumulang 3.4 milyong middle middle-income households.
Binigyang-diin din ng senador ang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), na nagsasabing bulnerable ang emerging middle class sa mga panandaliang krisis tulad ng pagtaas ng presyo, pagkawala ng trabaho, at mga emergency sa kalusugan.
Sa huli, iginiit ni Gatchalian ang agarang aksyon upang mapagaan ang pinansyal na pasanin ng mga Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastos sa pamumuhay.
















