Magkasamang umalis ng Senate compound sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Robinhood Padilla matapos ang serye ng putukan sa ikalawang palapag ng gusali noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13.
Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, makikita sa CCTV footage at mga ulat ng Senate security na naglakad lamang ang dalawang senador patungo sa sasakyan ni Padilla.
Idinagdag ni Aplasca na tila hindi itinago ng mga senador ang kanilang pag-alis. Gayunpaman, magsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang kanyang tanggapan kung bakit hindi sila kinausap o pinigilan ng mga nakatalagang security personnel.
Sa isang press briefing ngayong Huwebes, Mayo 14, binasa ni Senate President Alan Peter Cayetano ang paunang ulat kung saan bandang alas-2:30 ng madaling araw nang ipagbigay-alam sa kanya ng Office of the Sergeant-at-Arms ang pag-alis ng dalawang opisyal.
Nilinaw naman ni Cayetano na walang legal na basehan ang mga opisyal ng Senado para pigilan ang senador na lumabas ng premises, kahit pa sumasailalim ito sa protective custody.
Sa kabila nito, personal pa ring beberipikahin ng Senate President ang naturang impormasyon.
Samantala, ibinahagi rin ni Cayetano na nakausap niya ang maybahay ni Dela Rosa. Humingi ito ng paumanhin sa idinulot na gulo at ipinaliwanag na umalis ang senador dahil sa takot na malagay sa panganib ang buhay ng kanyang mga kasamahan at mga empleyado kung mananatili siya sa gusali.
Ayon sa asawa ng mambabatas, posibleng sinamantala ni Dela Rosa ang gulo at putukan upang makalabas.
Sa kasalukuyan, blangko si Cayetano kung nasaan si Dela Rosa, ngunit patuloy nilang ipinagdarasal ang kaligtasan ng senador.
















