-- Advertisements --

Muling nagpaalala ang Social Security System (SSS) sa mga household employers na tumalima sa batas at iparehistro ang kanilang mga kasambahay upang matiyak na saklaw ang mga ito ng social security protection program ng pamahalaan.

Ang panawagan ay kasunod ng paglulunsad ng ahensya ng Kasambahay Caravan kamakailan sa 43 na lugar sa Metro Manila at Rizal.

Layon ng inisyatibong ito na mas ilapit ang registration at membership services sa mga kasambahay at amo na hindi pa pormal na nakatala sa SSS.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph de Claro, mahalaga ang ginagampanang papel ng mga kasambahay ngunit madalas silang napag-iiwanan pagdating sa proteksyon laban sa mga hindi inaasahang pangyayari.

Bukod sa mga pangunahing benepisyo, maaari ring mag-apply ang mga rehistradong kasambahay sa iba’t ibang loan programs ng SSS at makakuha ng hiwalay na proteksyon mula sa Employees’ Compensation (EC) Program kapag nakaranas ng work-related sickness, disability, or death.

Sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, inaatasan ang mga amo na iparehistro ang kanilang kasambahay sa loob ng 30 araw mula sa unang araw ng pagpasok sa trabaho.

Nakasaad sa panuntunan na para sa mga kasambahay na sumasahod ng higit sa P5,000 kada buwan, ikakaltas ang employee’s share sa kanilang sweldo na sasamahan ng bahagi ng employer’s contribution.

Subalit, para sa mga sumasahod ng P5,000 pababa, sagot ng amo ang buong halaga ng kontribusyon.

Samantala, binigyang-diin ni Social Security Commissioner Eva Arcos na ang kontribusyon sa SSS ay hindi dapat ituring na gastusin, kundi isang pangmatagalang pamumuhunan para sa kapakanan ng manggagawa.