Ipatutupad ng Social Security System (SSS) ang ikalawang tranche ng Pension Reform Program (PRP), na magbibigay ng dagdag-pensiyon sa mga retirado at iba pang benepisyaryo ng ahensya.
Sa ilalim ng ikalawang tranche, makatatanggap ng 10 porsiyentong dagdag sa kanilang buwanang pensiyon ang mga retirement at disability pensioners, habang 5 porsiyentong dagdag naman ang matatanggap ng mga death at survivorship pensioners.
Layunin ng programa na matulungan ang mga pensioner na makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang hamong pang-ekonomiya.
Ayon sa PRP, magkakaroon ng taunang dagdag-pensiyon tuwing Setyembre mula 2025 hanggang 2027.
Samantala, nakatakdang ipatupad ang huling tranche ng programa sa Setyembre 2027 para sa mga pensioner na nakatala hanggang Agosto 31, 2027.
Sa ilalim nito, makatatanggap ng karagdagang 10 porsiyentong dagdag ang retirement at disability pensioners at karagdagang 5 porsiyento naman ang death at survivorship pensioners.
Sa oras na ganap na maipatupad ang tatlong taong reporma, inaasahang tataas ng humigit-kumulang 33 porsiyento ang pensiyon ng retirement at disability pensioners at 16 porsiyento naman para sa mga death at survivorship beneficiaries.
















