Inanunsyo ng Social Security System (SSS) ang pinadaling requirements para sa pag-avail ng Emergency Loan Program (ELP) sa gitna ng krisis dulot ng tensiyon sa Middle East.
Sa isang statement, sinabi ng SSS na maaaring mag-apply para sa emergency loan ang mga miyembrong mayroon ng 18 kontribusyon kung saan ang 6 na kontribusyon ay dapat bayad sa huling 12 buwan. Ito ay bumaba mula sa dating 36 na buwang kontribusyon na pinapayagan para sa emergency loan.
Saklaw na rin sa programa ang mga miyembro na may minimal past-due loans ng may hanggang tatlong buwang amortizations gayundin sakop na rin ang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Nasa kabuuang P27 billion ang inilaan para sa programa na inaasahang makakatulong sa 2.24 milyong miyembro ng SSS.
Sa ilalim ng programa, pinapayagan na ang mga miyembro na makahiram ng hanggang P20,000, na may interest rate na 7% bawat taon, na may anim na buwang moratorium.
Ang halaga ng emergency loan ay depende sa average ng huling 12 Monthly Salary Credit (MSC) o ang in-apply na halaga, kung alin ang mas mababa.
Maaaring mag-apply ng naturang loan ang mga miyembrong nasa lugar na idineklarang “state of calamity”. Ang pautang ay maaaring i-apply online sa pamamagitan ng SSS website o SSS mobile app.
Samantala, nag-aalok din ang SSS ng short-term microloans na pumapalo ng P1,000 hanggang P2,000 na maaaring bayaran sa loob ng 15 hanggang 90 araw, na may interest rate na 8% bawat taon.
















