-- Advertisements --

Nanguna ang Land Transportation Office (LTO) at Social Security System (SSS) sa listahan ng mga ahensiya ng gobyerno na may pinakamaraming reklamo noong buwan ng Marso, ayon sa Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Batay sa datos ng ARTA, umabot sa 152 ang kabuuang reklamo na kanilang natanggap, kung saan 132 na ang naresolba at 20 ang nananatiling aktibo. Samantala, nakapagtala ang SSS ng 156 na reklamo, kung saan 112 na ang naresolba at 44 ang nakabinbin pa.

Ayon kay ARTA Secretary Ernesto Perez, karamihan sa mga reklamo ay may kinalaman sa pagkaantala ng serbisyo, karagdagang requirements, at paglabag sa Citizen’s Charter.

Giit ni Perez, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ARTA sa mga ahensiya upang mapabuti ang kanilang serbisyo at mabawasan ang red tape.

Kabilang din sa mga may mataas na bilang ng reklamo ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Food and Drug Administration (FDA), Land Registration Authority (LRA), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Education (DepEd), National Telecommunications Commission (NTC), Department of Migrant Workers (DMW), Professional Regulation Commission (PRC), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at Department of Science and Technology (DOST).

Para naman sa mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), kabilang sa may pinakamaraming reklamo ang Pag-IBIG Fund, Philippine Health Insurance Corporation, Philippine Postal Corporation, Landbank of the Philippines, at GSIS.

Gayunpaman, sinabi ng ARTA na karamihan sa mga reklamo ay agad na inaaksyunan kapag naipasa na sa mga kaukulang ahensiya, at iniulat din ang malaking porsyento ng mga kasong naresolba.

Dagdag pa ng ahensya na ang dami ng reklamo ay hindi lamang indikasyon ng inefficiency kundi kaugnay din ng dami ng transaksiyong hinahawakan ng mga naturang opisina.