Nakatakdang dumating sa Pilipinas ang 21,000 metrikong tonelada ng liquefied petroleum gas (LPG) na nabili mula sa Estados Unidos sa Mayo.
Ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na matiyak ang matatag at maaasahang suplay ng langis sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan, kung saan nagmumula ang crude oil na prinoproseso para makalikha ng LPG at iba’t ibang fuel.
Sa isang statement ngayong Sabado, Abril 25, inihayag ng Department of Energy (DOE) na inaasahang maidedeliver ito sa bansa mula Mayo 20 hanggang 31 at ito ay dadalhin sa Batangas.
Inaasahan aniyang magpapalakas ang paparating na shipment sa imbentaryo ng bansa sa LPG at magpapalakas sa suppy buffers para sa mga sambahayan at negosyo.
Ayon sa Energy Department, malapit na nakikipag-ugnayan ito sa gobyerno at industry stakeholders para masiguro ang energy security, mapanatili ang matatag na suplay at maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipino na nakadepende sa LPG para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
















