‘Consistency,’ susi ng isang Cebuana na mag-Rank 10 sa March 2026 LEPT; Dalaga, ibinahaging napilitan lang kunin ang kurso nung una
Lubos ang pasasalamat sa Panginoon at halos hindi makapaniwala ang isang 22-anyos na dalaga na mag-rank 10 sa March 2026 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) – Elementary Level.
Si Shienna Marie Singco,22 taong gulang mula sa bayan ng Ginatilan at nagtapos sa Cebu Technological University-Moalboal-Malabuyoc Extension ay nakakuha ng 92.80% rating.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, ibinahagi ni Singco na hindi niya inaasahang mapapasama siya sa listahan ng Top 10 dahil ang tanging hinihintay lamang niya noon ay makapasa sa pagsusulit.
Malaki rin umano ang kanyang pasasalamat sa natamong tagumpay na itinuturing niyang isang biyaya matapos ang ilang buwang paghahanda para sa board exam.
“Hindi ko po talaga in-expect na magtop 10. Ang hinahanap ko lang ang pangalan ko sa listahan ng passers…sobrang pasalamat ko po sa Panginoon dahil sa laki ng natanggap at hindi inexpect na ‘blessing,'” saad ng dalaga.
Aminado si Singco na naging hamon para sa kanya ang pagrereview lalo pa’t hindi umano siya sanay sa masinsinang pag-aaral noong panahon ng kolehiyo.
Gayunman, mas pinagbutihan niya ang paghahanda ilang linggo bago ang mismong exam.
Naging inspirasyon naman umano niya ang kanyang pamilya sa mga pagkakataong nakakaramdam siya ng pagod at panghihina ng loob habang malayo sa mga ito para sa review.
Ayon sa dalaga, malaking bagay ang pagiging consistent, masipag, at pananatiling may pananampalataya sa Panginoon upang makamit ang tagumpay.
Ibinahagi rin ng dalaga na mahalaga ang pagkakaroon ng balanse sa pag-aaral at pagbibigay ng oras sa sarili upang maiwasan ang sobrang pressure habang naghahanda para sa board exam.
“My advice is be consistent sa ginagawa, dont just study too fast but to learn, and never underestimate the power of prayer,” dagdag pa nito.
Samantala, si Singco nga ay isa lamang sa 51 Cebu-based university graduates na nakapasok sa Top 10 ng March 2026 LEPT.
















