Hinimok ng Social Security System (SSS) ang mga household employers na irehistro ang kanilang mga kasambahay upang masiguro na sila ay saklaw ng social security protection ng gobyerno.
Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph de Claro, layunin ng Kasambahay Caravan na inilunsad noong Marso 22 sa 43 site sa Metro Manila at Rizal na mapalapit ang SSS services sa mga household workers at kanilang employers.
Dagdag pa niya, ang mga rehistradong kasambahay ay maaaring mag-aplay para sa SSS loan programs, kabilang ang salary at calamity loans, at makakakuha rin ng proteksyon mula sa Employees’ Compensation Program para sa work-related sickness, disability, o death.
Ayon kay SSS NCR Operations Group Acting SVP Benjamin Dolindo Jr., layunin ng caravan na palakasin pa ang social security coverage para sa sektor ng domestic help.
Batay kasi sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, obligadong irehistro ng mga employer ang kanilang kasambahay sa loob ng 30-araw mula nang matanggap ito sa trabaho at mag-remit ng kontribusyon.
Para sa mga kasambahay na kumikita ng P5,000 o higit pa, ibabawas ng employer ang employee share sa sweldo, idadagdag ang employer share, at babayaran sa accredited channels. Para sa kumikita ng P5,000 o mas mababa, sakop ng employer ang buong kontribusyon.
Binigyang-diin ni Social Security Commissioner Eva Arcos na dapat tingnan ang social security bilang long-term investment sa kapakanan ng mga manggagawa.















